Martes, Oktubre 20, 2015

HALALAN (Pitong Diona)

Larawan mula sa asianjournal.com

Panahon ng halalan
Matindi ang pilian
Paparating na naman

Kay daming kandidato
Ika'y dapat matuto
Para hindi mauto

Maraming ipapaskil
Sa ganda'y 'wag pa-siil
Matuto kang magpigil

Puro sila pangako
Kaya, kaibigan ko,
Isipan ay itrangko

Kung lahat sa pamilya
Tatakbong walang palya
Isa na 'yang dinastiya

May tiwali o kurakot
May magaling manakot
May isip na baluktot

Kung gusto mong umunlad
Solusyong nakalahad
Nasa 'yong mga palad

Diona - uri ng tulang Pilipino na may pitong pintig sa bawat taludtod, may tatlong taludtod at may isahang tugmaan

MAHALAGANG PAALALA: 
Ang "HALALAN" ay isang lahok sa Saranggola Blog Awards 7.